TOUGH TIMES NEVER LAST BUT TOUGH PEOPLE DO

Wednesday, October 10, 2007

ALAMBRENG SAMPAYAN

para kay alambre

Wangis mo’y
Espesyal ang hubog.
May pormang magara
Na kinamamanghaan
Ng sino mang labandera.
Sa Iyong makisig
Na pagkawagayway,
Walang pasubaling
Sa matiponung kawad mo’y
Kay inam sumampay
Upang sa bugso ng hangin
Matuyo itong
Basang suliranin.

Henyo ka
Sa paningin ng araw.
Higit ka pa sa martir
Sa pananaw ng ulan.
Gaano man kabigat
Ang damit mong tangan
Paghihimutok sa iyo’y
Hindi mauulinigan.
Kung minsan,
Di maiiwasang
Ikaw ay mapatid.
Pagkat iyong kalasag
Matibay man,
Ay may hangganan din.

Bininat ka
Ng init at lamig.
At sa iyong pag-iisa
Tanging tukurang kayawan
Ang iyong kasama.
Mga nasaksihan mo
Sa iyong pagkakasabit
Kikintal sa gunita,
Hindi mawawaglit.
Kaya’t bayaan mong
Awitan ka ng maya.
Magpahinga ka sa saliw
Ng kanyang musika
Upang magdugtong
Mga napigtal na alaala.
Nararapat na magpalakas ka.
Pagkat bukas
Mas marami pang labada!

________________________
Keith, alam ko makakaya mo ang lahat
Naniniwala ako sayo.

No comments: