TOUGH TIMES NEVER LAST BUT TOUGH PEOPLE DO

Wednesday, July 4, 2007

SaLaMaNgkeRa

Huwag kukurap,
Di dapat mag-apuhap,
Pagkat maaring di maaninag
Ang kislap ng kanyang kalasag.

Tila isang tala sa kalawakan.
May liwanag na hatid sa karimlan.
Animo’y isang hudyat ng pag-asa
Sa nasisiphayong kaluluwa.

May kinang ang kanyang salamangka.
Na mamasid sa bawat kumpas ng barita.
Nasasalamin ang naiibang kinabukasan
Sa kanyang misteryosang katauhan.

Isang marikit na awit sa umaga,
Nakabibighani at nakahahalina.
Kaakit-akit ang kanyang katapangan
Nagpapasigla sa nanambitan.

Maihahalintulad ang kanyang kapangyarihan
Sa diwatang reyna ng karagatan.
Ang busilak ngunit mapanuri niyang puso,
Tiyak na masisilip gaano man ito itago.

Siya ang salamangkera,
Dilag na nababalot ng mahika.
Di maitatanggi ang katotohanan
Na dala niya ay kaligayahan.