TOUGH TIMES NEVER LAST BUT TOUGH PEOPLE DO

Saturday, January 26, 2008

PAGKAMULAT

Paano nga ba nadungisan
ang malinis na batis
ng putik na mula sa mga paang
malayo pa ang nilakbay
matamo lamang
ang tinaguriang
rurok ng kaligayahan?

Sunday, January 6, 2008

taglagas

walang tigil ang pamumulot
ng mga dahong
nagmamadaling humalik
sa mainit na lupa.

ilang tagtuyot na
.........ang nasaksihan.
kaunti na lang
.........sasapit na
ang pagsibol
na inaantabayanan

bukas.........
mamamangha muli
sa pagtubo
ng panibagong
bulaklak.

ngunit ang lahat.........
ng simula
.........hindi magaganap
kung wala
................................ang katapusan.

tumataas na ang bunton
nitong mga dahon
nagkukulay kape na
.........ang kalangitan


paalam na sa nakaraan

Ikaw ay Isang Tula

Di maarok ng kawalang-malay
Mga talinhagang nakakabit
Sa misteryosong pagkatao.
Bawat salitang binabanggit
Maaninag ang naiibang sining.
At lahat ng tinuturan,
Kumukurot sa puso
Lumilikha ng kislot sa isip.

Saklaw ng ritmo
Ang iyong mga galaw.
May imahen ang mga kilos,
Isang katotohanang
Hindi namumutawi sa bibig.

Kay tagal na sinuri,
Pinagbulayan,
Ang tema sa likod
Ng iyong mga ngiti.
Nakatitigalgal na malaman
Sa kabila ng mga metapora

---Natatago
ang iyong kalungkutan.